Friday, April 22, 2011

Ang Tao At Ang Kalikasan


Malawak na karagatan, matarik na kabundukan,
Mahahabang ilog doon, lambak at ang kapatagan,
Ang malakristal na batis at mayamang kagubatan.
Ang bughaw na kalangitan, luntiang kapaligiran,

‘Yan ang mukha ng kalikasan, kaaya-ayang pagmasdan
Ngunit ngayon nasaan na,. di na ‘to ang nakagisnan
Ang kaloob ng Maykapal ating nilalapastangan
Di na mandin alintana, ito’y may kahalagahan.

Basura ay makikita, lingunin mo kahit saan
Maitim na usok at mabaho pang kapaligiran
May nakalalasong tubig, panot na na kagubatan.
Natakpan ang kariktan, pangit na kapaligiran.

Ano ba ang ginawa mo sa ‘ting Inang Kalikasan?
Nasa;n na ang ganda nito na siyang tunay na yaman?
Kayong mga kabataan, t’yak na maapektuhan
Pagkat   ito ri’y pundasyon ng  magandang kinabukasan.

Kailan ang aking hinaing ay iyong pakikinggan?
Hindi mo ba nakikita ‘tong ating  kapaligiran?
Isa kang saksing pilit na ka’y  nagbubulag-bulagan,
Nakaririnig ka naman,  nagbibingi-bingihan.

Ilan pa bang  baha’t bagyo, ang iyong mararanasan?
Ilang unos o  pagguho, ang iyong masasaksihan?
Ilang dusa at sakuna, pati luha’t kamatayan
Upang sana’y matanto mo, ako’y magiging kawalan.

Ikaw tao, ang s’yang bumago sa mukha ng kalikasan
Ikaw tao ang sumira sa ganda ng kalikasan
Ngayon  ika’y   nagdurusa galit ni Inang Kalikasan.
Pahahalagahan mo sana ako sana ay pakinggan.

Ang bahay mo na nasira , posible pa ang pagbuo
Ang ‘sang gusaling gumuho, muli pang maitatayo.
Materyal na mga bagay, maibabalik mo ito.
Ngunit tandaan mo ito, iisa lamang ang mundo.

Huwag naman natin hintayin  mawala nang lahat-lahat.
Sa ‘ting pa ring mga kamay ay ating maiaangat.
Mundo mong ginagalawan kalinga’y karapat-dapat
Gumising ka at masdan mo ngunit iyan ba ay sapat?.

1 comment:

You may share your opinions,sentiments here. Thank you.