Saturday, April 9, 2011

Kasiyahan Para sa Kahirapan

               Naglikha ng malaking ingay sa media ang nangyari kay Willie Revillame dahil lamang sa isang episode sa kanyang show na Willieng-willie noong ika-12 ng Marso,2011. Bagamat hindi ito ang unang pagkakataon na nangyari ito sa kanya sapagkat nasangkot na rin sya sa ilang mga di magagandang pangyayari.Isa na ito ngayong napakaiinit na isyu na kahit saan ay pinag-uusapan lalo na sa mga social networks tulad ng Facebook at Twitters. Nabigyang pansin na rin ito ng ilan sa mga ahensya ng ating pamahalaan. Lalo pa itong naging mainit nang ang ilan sa ating mga artista ay nasangkot dahil lamang sa pagpapahayag ng kanilang saloobin ukol sa pangyayari. Ang isyu rito ay ang sinasabing Child Abuse.
              Ang tanong, sino nga ba ang dapat sisihin sa pangyayaring ito? Ang TV 5 kaya na siyang network na pinagtratrabahuan ni Willie na hinayaan nilang mangyari iyon? Si Willie Revillame kaya, na sabi nga niya ay wala siyang nakikitang masama sa ipinakita ng bata, na ang nais lamang niya ay mapasaya ang kanyang mga manonood? Di kaya ang mga magulang ni Jan-jan na siya nga raw nagturo sa bata ng pagsasayaw ng macho dancing, na di naman daw nila pinilit ang bata? Maari rin kayang ang mga manonood ng show ni Willie na pinagkatuwaan nila ang bata,na kahit na nga habang nagsasayaw ay umiiyak ngunit tuloy pa rin ang katuwaan? Pwede rin bang mismong si Jan-jan na kung bakit siya sumasayaw habang umiiyak? Pwede rin kayang ang mga taong nagbigay ng reaksyon na naging iba ang interpretasyon sa anumang naipakita? Sino nga ba?
            Ang masasabi ko lamang, iisa lamang ang naging ugat nito.... ang kahirapan. Isang malaking katotohanan sa ating bansa na dumarami ang naghihirap. Dahil sa katotohanang ito, marami sa ating mga kababayan ang naghahanap ng paraan na matugunan ang kanilang pangangailangan. Isa sa kanilang nakitang paraan ay ang pagsali sa mga talent show, reality show o game show. Nakita kasi nila na ang pagsali sa mga ganitong palabas ang makapagpapatupad ng kanilang pangarap. 
           Bakit nga ba marami ang pumipila sa labas ng mga TV Studio? Ang mga taong pumipila rito ay nagnanais na makapasok sa studio upang mag-audition o di kaya manood ng  isang palabas at makita ang kanilang iniidolo. Siyempre naman karamihan sa kanila ang nais nila ay  makasali sa mga palarong inihahandog ng show. Balewala sa kanila kung malayo man ang kanilang pinanggalingan. Tiniis ang init, ulan, sakit ng katawan sa pakikipaghilahan o tulakan sa pila at kadalasan wala pang kain. Wala namang masama di ba. Ang di mabuti rito ay kung dito na umiikot ang iyong buhay at napapabayaan mo na ang iba mong obligasyon sa buhay. 
            Maaari ngang makatugon sa ating pangangailangan ang pagsali sa mga palabas na ganito. Tandaan lamang natin na sa pagsali natin sa anumang palaro, di tayo nakasisiguro kung tayo ay mananalo. Pag pumunta ka sa studio at nagbabasakaling makuha ka bilang contestants ng isang laro,di siguradong mananalo ka. May pagkakataon pang di ka makapapasok o di ka makasasali kaya uuwi kang pagod at dismayado. Sabi nga swerte-swertehan lang. 
           Ang nangyari sa kaso ni Willie Revillame na kasangkot ng pamilya ni Jan-jan ay di lamang pagpapakita ng paglabag sa karapatan ng bata kundi nag-uugat din ito sa kahirapan. Sa pagnanais nga na magkapera, nanood ng palabas at naswertehan nabigyan. Bagamat di naging maganda ang katapusan ng pangyayaring ito,may natutunan tayo sa pangyayaring ito. Naging hati man ang mga opinyon ng mga tao, nakita natin ang ibang butas nito. 
          May mahalagang responsibilidad ang mga taong nasa TV network; hindi lamang ito sa pagbibigay ng aliw. Dapat pa rin nilang pangalagaan ang magandang pangalan kanilang itinayo upang magtiwala sa kanila ang mga sponsors na siyang bumubuhay sa kanila. Kung walang maraming manonood sa kanilang mga programa ay walang advertisement na papasok. Binibigyang pansin ng mga advertisers ang karakter ng mga nag-eendorso ng kanilang produkto na dapat maging kapani-paniwala at makapang-aakit ng mga consumers. Ito ang naging dahilan upang lumaki ang problemang kinaharap ni Willie dahil tinalikuran siya ng kanyang mga sponsors.  
         Sana naman tingnan din ng mga namamahala sa TV network ang mga ipinalalabas ba nila ay may values. Wag naman sana silang maging ganid sa mga ratings. Mahalaga sa kanila ang rating pero obserbahan nila kung  nakabubuti nga ba talaga sa manonood ang kanilang palabas. May palabas sa TV na ganito ang takbo ng istoryang ipinapakita .... ang pagkagahaman sa rating ng TV management. 
         Ngayon naging pamukaw ang pangyayaring ito sa mga tao lalo na sa mga TV Network na magiging maingat na sila sa kanilang ipinapakitang palabas. Kung hindi nila babaguhin ang kanilang pananaw sa pagbibigay ng kasiyahan sa tao, kakalampagin ng mga tao ang mga social networks para sa pagrereklamo at tiyak na magdadalawang-isip na ang inyong mga sponsors. Isa sa mga araw na ito tiyak na mas may malawak pa tayong makikita na bunga ng usaping ito. 

              

Ako.... Inyong Tagapayo

  Isang bagay ang natuklasan ko sa aking buhay, na ako ay binigyan ng Diyos ng isang misyon sa  na makapagbigay liwanag sa buhay ng aking mga kaibigan. Madalas na ang aking mga kaibigan sa malayo man o malapit, ako ang hinihingaan nila ng kanilang mga problema. Ako ay nasisiyahan dahil naibibigay nila sa akin ang tiwala. Lalong nakatataba ng puso kung sa pagkatapos ng usapan ay naliliwanagan ko ang kanilang isipan, napapagaan ko ang kanilang nararamdaman at higit sa lahat ay nakatutulong ako upang makita nila ang kasagutan sa kanilang mga katanungan. 
             Maaaring isa itong biyaya mula sa Maykapal, na ginawa Niya akong instumento upang maituro ko ang tamang landas sa buhay, upang maging sinag sa kanilang madilim na daanan, upang maging gabay sa kanilang patutunguhan at upang maayos ang anumang salimuot sa buhay. Nakapagpapagaan din naman ito sa akin dahil ako rin naman ay may sariling suliranin. Minsan nasasabi ko na mas mabigat pa pala ang kanilang problema kaysa sa akin. Bagamat kung minsan mabigat din na ikaw ay maging shock absorber minsan nga nakaka-drain pero nawawala rin naman kapag alam kong naliliwanagan ang kanilang isipan dahil sa mga sinasabi ko.
          Ang mahalaga lamang sa aking kinakausap ay maging bukas ang kanyang isipan at puso sa anumang bagay sapagkat mahirap din namang tulungan ang taong sarado na ang utak at puso. May mga tao rin naman kasing may sariling  paniniwala na mahirap sirain. May mga tao namang kahit ipinapaliwanag mo ang katotohanan ay pilit na nagbubulag-bulagan o nagbibingi-bingihan. Hahahahha.... ganun na nga... pero kahit papaano kailangan lang maging matiyaga tayo sa pakikinig sa kanilang saloobin. Importante kasi naihihinga ng tao ang kanyang problema. 
         Huwag na huwag ninyong sosolohin ang inyong problema kasi pag sinolo nyo yan parang bulkan yang sasabog. At saka kapag hindi mo naibabahagi iyan sa ibang tao, walang ibang papasok sa inyong isipan kundi mga negative thoughts at kapag yan ang pumasok dyan nagsisimula ang mga maling hakbang. Kaya nga di ba may mga nagpapakamatay. Dapat tayong mapagbantay sa mga tao sa ating paligid lalo na ng ating mga mahal sa buhay. Lalo na kapag abala tayo hindi na natin napapansin na may problema pala sila. Mayroon din namang tao kasi na itinatago kung ano ang tunay na nararamdaman. Kaya nga kapag may tinanatanong tayong kaibigan na : "Kumusta ka?,,,,, ang isasagot:" Ok lang".... medyo magduda na kayo baka hindi nga ok eh.
        Sa madaling salita ako ay kadalasang tagapayo ng aking mga kaibigan. Bagamat nais kong ipaalala sa inyo na hindi naman porket pinayuhan kayo ay iyon na ang inyong susundin. Ang nararapat lamang ay titimbangin ninyong mabuti ang lahat. Ok .... kaya sana be sensitive enough to know what's happening to your friends or loved ones. Pero huwag din naman sosobra ha kasi baka naman ma-misinterpret nila na nakikialam na kayo.